-- Advertisements --

Lalahok ang aabot sa 17,000 sundalo mula sa iba’t ibang bansa sa nakatakdang pag-arangkada ng ika-41 Balikatan Exercises sa susunod na linggo upang hasain ang kapabilidad ng militar hindi lamang sa lupa, himpapawid, at karagatan, kundi maging sa makabagong cyber domain.

Bukod sa pangunahing puwersa ng Pilipinas at Estados Unidos, kabilang sa mga aktibong makikibahagi sa mga serye ng pagsasanay ang mga tropa mula sa Australia, Japan, New Zealand, Canada, at France. Kasabay nito, nasa 17 bansa rin ang sasali sa ilalim ng international observer program.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Education, Training and Doctrine Commander Major Gen. Francisco Lorenzo Jr., ang malawakang aktibidad ay isang mahalagang hakbang tungo sa modernisasyon.

Paliwanag ng opisyal, layunin nitong iangat hindi lamang ang kalidad ng mga kagamitang pandigma kundi pati na rin ang taktika at istratehiya ng mga sundalo sa pagharap sa mga nagbabagong banta sa seguridad.

Sa panig naman ng Amerika, binigyang-diin ni U.S. Marine Corps I Marine Expeditionary Force Commander Lt. Gen. Christian Wortman na ang naturang military exercises ay repleksyon ng patuloy na pagpapatibay sa 75 taong alyansa ng Pilipinas at Amerika, partikular sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon ng Indo- Pacific

Samantala, mariing nilinaw ng AFP na ang partisipasyon ng mga kaalyadong bansa sa Balikatan ay mahigpit na nakasandig sa mga umiiral na Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA).

Giit ng sandatahang lakas, ang pagsasanay ay nakatuon sa depensa at hindi idinisenyo upang mang-gipit o mag-proboka ng alinmang bansa.

Bagama’t walang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang may SOVFA sa Pilipinas sa kasalukuyan, ipinahiwatig ng AFP na nananatili itong bukas sa posibleng pagpapalawak ng kasunduan para sa iisang layunin na mapanatiling matatag at mapayapa ang rehiyon.

Tatakbo ang mga nakakasang pagsasanay hanggang sa ika-8 ng Mayo.