-- Advertisements --

Naipasara ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang karagdagan pang pitong iligal na website ng e-sabong o online cockfighting.

Sa isang statement, sinabi ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communication Technology (DICT) para sa pag-shutdown ng naturang mga websites.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang PNP Anti-Cybercrime Group para matukoy ang mga administrators o nagpapatakbo ng mga iligal na e-sabong website.

Sa kasalukuyan, nasa 12 websites at walong social media platforms ang namonitor ng PNP na patuloy pa rin ang operasyon ng mga aktibidad may kinalaman sa e-sabong sa kabila ng utos ng Pangulong Duterte na pagpapasara sa lahat ng e-sabong.

Dagdag pa ni Malaya, nag-request na rin sila sa Meta, ang parent company ng FB na agarang burahin o isuspendi ang naturang page sa kanilang platform na nagsasagawa ng mga aktibidad ng e-sabong.

Ayon pa kay Malaya, hihilingin din ng DILG ang tulong ng kompaniya ng Globe para mapigilang magamit ito para sa illegal purposes dahil sa ang mga nagtataya at operators ay gumagamit ng GCash at ng kaparehong platform bilang mode of payment.

Maaalala na kasunod ng napaulat na misteryosong pagakawala ng nasa 34 na sabungero, inarubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng DILG na ipasara ang e-sabong.