Nakaabang ang mga fans ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa magiging reaksyon nito kasunod ng naging mga rebelasyon ng kanyang nakababatang kapatid nitong weekend.
Nabatid na mahigit dalawang oras matapos ilabas ni Sarah ang sama ng loob sa kanyang ate at ina ay ginawa na nitong private ang kanyang Instagram account hanggang isinusulat ang balitang ito.
Gayunman, marami na ang nakapag-screenshots ng “IG” stories ni Sarah sa Facebook at Twitter na kasalukuyang pinagpipiyestahan sa online word.
Karamihan sa mga netizen ang nagulat lalo’t lantad ang pagiging close nina Pia, 31-anyos, at Sarah Wurtzbach, 28, sa isa’t isa.
Kabilang sa mga maaanghang na salitang binitiwan ni Sarah tungkol kay Pia at maging sa kanilang inang si Cheryl Alonzo Tyndall ay ang mabaho o masamang ugali raw ng beauty queen.
Bakas din ang pagdamdam ng nakababatang Wurtzbach nang masabihan ni Pia na barya na lamang ang suweldo dahil sa pagbibigay sa kapatid, gayundin ang minsang pagdamay daw dito tuwing kaaway ang Scottish businessman boyfriend na si Jeremy Jauncey pero kapag siya na ang may problema ay hindi siya madamayan nito.
Nagkaroon din aniya ng pagkakataong si Jeremy naman ang humingi ng tulong kay Sarah matapos magkaproblema raw sa kanyang mga kliyente dahil sa inilabas na video ng kanilang ina sa sariling YouTube channel nito.
“Triggered ako kasi yung hudas nating nanay, sumira nanaman ng ibang tao. Lumapit sa akin si Jeremy at nagsumbong dahil dun sa video ni mama sa YouTube. Nagkaproblema sya sa clients. Sa akin sya lumapit PARA WALA KANG ANXIETY OR STRESS. AKO ANG SUMALO.
“Kahit ako na nga ang triggered at ako na nga yung depressed dahil kay mami, ako parin ang sumalo para hindi ikaw ang mastress @piawurtzbach” bahagi ng patutsada ni Sarah kung saan naka-tag pa ang kanyang ate Pia.