Hindi isinasantabi ng House Justice Committee ang posibilidad ng pagkuwestyun ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa legalidad ng pagpapa-subpoena ng komite sa kaniyang mga bank at financial records.
Ayon kay committee member at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, malaki ang posibilidad na tatakbo sa Korte Suprema ang kampo ni VP Sara para kuwestyunin ang legalidad ng hakbang ng House committee.
Kung hindi man ang kampo ni VP Sara, posible rin aniyang ang mga firm o institusyon na kasalukuyang may saklaw sa mga dokumentong ipinapasubpoena, ang dudulog sa mga korte.
Maari kasing mag-alinlangan din ang mga naturang institusyon kung legal ang paglalabas nila sa mga naturang dokumento, kahit papayag ang mga ito na ilabas, salig sa subpoena ng Justice panel.
Nang matanong ang mambabatas kung posible bang makukuha na ang mga naturang record bago ang susunod na hearing at tuluyan itong iprepresenta sa naturang pagdinig, sinabi niyang depende pa rin ito sa magiging hakbang ng iba’t-ibang party na may saklaw o may hawak sa mga naturang dokumento.
Bagaman mayroong 60 araw ang komite para talakayin ang dalawang impeachment complaint bago tuluyang maglabas ng report para sa plenaryo ng Kamara, nananatili aniyang malaking katanungan ang timeline sa pagpapalabas sa mga naturang dokumento.
Nanindigan din si Flores na lahat ng ginagawa ng komite ay sumusunod sa itinatakda ng saligang batas, taliwas sa alegasyon ng kampo ni VP Sara na wala itong hurisdiksyon na magsagawa ng hearing na tinawag ng pangalawang pangulo bilang ‘mini-trial’.
















