Natanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Newly constructed specialized education and technical building na donasyon ng gobyerno ng U.S.
Pinangunahan nina U.S Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson at PCG Deputy Commandant for Administration, CG Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, ang ceremonial turnover at blessing ceremony ng nasabing imprastraktura na matatagpuan sa Fleet Training Center of Excellence ng PCG sa Balagtas, Bulacan.
Ang ₱250-milyon na dalawang palapag na gusali ay sumasaklaw sa 3,900 square meters at kinabibilangan ng mga rooms, laboratory, equipment rooms, dining facilities, isang galley, mga opisina, technical library, at mga workstation.
Sinabi ni CG Vice Admiral Gavan na ang donasyon ay gagamitin upang turuan, paunlarin, at pahusayin ang kaalaman at kasanayan ng mga tauhan ng Coast Guard dahil ito ay tutugon sa mga pangangailangan sa pagsasanay ng mga mag-aaral ng Fleet Education Training Development Doctrine Institute (FETDDI) na sumasailalim sa iba’t ibang shipboard career.
Aniya, ang gusali ay nagsisilbing isang mahalagang instrumento para sa pagpapahusay ng mga kakayahan ng mga mandaragat, na magpapatibay sa mandato ng PCG.
Ang donasyon ay bahagi ng patuloy na pangako ng gobyerno ng U.S. na tulungan ang PCG sa pagpapahusay ng mga kakayahan nito at pagtugon sa mga maritime challenges.