-- Advertisements --

Nagsimula nang sumabak sa limitadong workout ang NBA star na si Jimmy Butler ng Golden State Warriors habang patuloy ang offseason, bilang bahagi ng kaniyang rehabilitasyon mula sa tinamong anterior cruciate ligament (ACL) injury noong Enero 2026.

Sa kasalukuyan, wala pang ibinibigay na medical clearance sa batikang forward upang sumali sa full-contact practice, kaya nakatuon muna ang kaniyang pagsasanay sa light shooting drills at stationary ball handling. Nakatakda namang isunod sa kaniyang rehabilitasyon ang mas mabibigat na aktibidad tulad ng full sprinting at contact drills kapag bumuti pa ang kondisyon ng kaniyang tuhod.

Naging matagumpay ang isinagawang operasyon kay Butler noong Pebrero 2026, at inaasahang makababalik siya sa paglalaro sa kalagitnaan ng NBA regular season—posibleng sa huling bahagi ng 2026 o unang bahagi ng 2027—depende sa bilis ng kaniyang paggaling.

Bago ang naturang injury, nagtala ang beteranong forward ng solidong average na 20.0 points, 5.6 rebounds, at 4.9 assists bawat laro, habang nagsimula bilang starter sa 38 laban na may 51.9% shooting accuracy sa katatapos lamang na season.