Nananawagan ang Malacañang na huwag umanong gamitin sa pamumulitika ang isyu ng 2019 Wuhan novel coronavirus (n-cov).
Sa “Laging Handa” briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar na marami ang sumasakay sa naturang isyu para mamulitika o siraan ang administrasyon.
Ayon kay Sec. Andanar, hindi ito ang panahon para mamulitika lalo’t nakasalalay ang buhay at kaligtasan ng taongbayan dito.
Umapela rin si Sec. Andanar sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga tsismis at “fake news” kaugnay sa n-cov.
Wala rin kasi aniyang puwang sa mga ganitong panahon ang diskriminasyon lalo na sa mga banyaga kung saan sinasabing pinagmulan ng nakakamatay na virus.
Iginiit ni Sec. Andanar na hindi ito ugali ng mga Pilipino at hindi katanggap-tanggap na mang-discriminate ng ibang lahi.