Mayroon na ngayong tatlong persons of interest ang pulisya sa bumaril ng isang pulis kahapon, Disyembre 4, sa Brgy. Lawis bayan ng San Remigio Cebu at hinihintay na lamang ang resulta ng paraffin test.
Kritikal ang kondisyon ng biktima na si Police Staff Sergeant Jade Carabuena, 38 anyos matapos tinamaan ng bala sa likod malapit sa ulo.
Rumesponde lang sana si Carabuena sa isang trouble alarm sa lugar ngunit binaril ito.
Samantala, kinondena ng Police Regional Office-7 ang nangyaring insidente.
Inihayag ni PRO-7 Director PBGen. Roderick Augustus Alba na tinututukan na nila ang insidente para sa mabilisang imbestigasyon.
Sinabi pa ni Alba na wala umanong katapusan ang trabaho nila kahit pa man nasa bahay na kung kinakailangan ang tulong ng pulisya.
Pinayuhan naman nito ang mga tauhan ng pulisya na laging maingat sa loob at labas man ng kanilang opisina, wag padalos-dalos, at palaging ipalagay na may banta sa buhay.