-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Sa kabila ng hirap na nararanasan, hindi nagdalawang isip ang isang ina na kusang ibalik ang sobrang perang natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa educational assistance ng kanyang anak.

Ayon kay Michelle dela Peña ng Barangay Andagao, Kalibo, Aklan sa halip na P3,000 ay P30,000 ang ibinigay sa kanya.

Nagulat umano siya sa pagtanggap ng pera dahil masyado itong malaki para sa dalawang anak na nag-aaral sa elementarya at sekondarya.

Agad niyang ibinalik ang pera kaya naman ikinatuwa at ipinagpasalamat ng teller na nag-asikaso sa kanya ang ipinakitang katapatan.

Aniya, gagamitin niya ang natanggap na pera sa pagbili ng uniform, bag at iba pang kulang na school supplies ng mga anak.