CAUAYAN CITY- Naniniwala ang isang Amerikano na hindi na makikilala pa ang Unites States of America kapag muling nanalo si Pangulong Donald Trump.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mr. William Robert Washburn ng Illinois, U.S.A. na kapag nabigyan pa ng 4 na taon para manungkulan si Trump ay hindi na makikilala pa ang Amerika dahil sa dami na ng nagbago tulad na lamang sa kanilang kapaligiran.
Sinabi ni Mr. Washburn na lahat ng mga sinasabi ng kanilang pangulo ay pawang kasinungalingan lalo na sa COVID-19 dahil inilihim nito ang totoong kalagayan ng America.
Ayon kay Washburn, isa siyang supporter ni Democtratic nominee Joe Biden at karamihan sa mga kakilala niya ay ayaw din kay Trump.
Aniya, sinusuportahan niya si Biden dahil gusto niya ang mga polisiya nito, maraming plano, magaling sa ekonomiya at sa pag-aalaga ng kapaligiran.
Dagdag pa nito na ang Illinois ay isang Democratic state sa Estados Unidos.
Dahil dito, naniniwala siyang si Biden ang mananalo sa darating na halalan sa November 3, 2020.










