Patay ang isang sundalo habang sugatan naman ang pito matapos itong tambangan sa Basilan ng mga hindi pa kilalang salarin.
Ayon sa Western Mindanao Command, kinokondena nila ang pangyayaring ito laban sa Vice Mayor Ahmadin Baharim ng Ungkaya Pukan, at mga tropa ng 65th Infantry Battalion, at pulisya na miyembro ng Joint Peace and Security Team.
Batay sa report ng Western Mindanao Command, bandang 3:45 ng hapon, nang pinaulanan ng bala ng nasa 10 armadong kalalakihan ang isang platoon ng Alpha Company ng 64IB, kasama si Baharim at JPST na sakay ng dalawang KM450 at 2 civilian vehicles sa Barangay Ulitan.
Gumanti naman daw ang mga sundalo na nagresulta sa limang minutong engkwentro.
Ang engkwento ay nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo habang anim na sundalo at isang pulis ang nasugatan.
Agad na tumakas ang mga salarin.
Samantala, ang bise alkalde ay nasa lugar umano para magsagawa ng ocular inspection para sa outreach program na gaganapin sa ika-18 ng Agosto.