-- Advertisements --

Gumanti ng pag-atake ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran sa isang air base ng Estados Unidos, bagamat hindi tinukoy ang eksaktong lokasyon nito.

Kasunod ito ng naunang pagsalakay ng US sa mga military site ng Iran sa Bandar Abbas, na isang estratehikong port city.

Samantala, inihayag ng Kuwait, na nagho-host din ng air base ng US, na naharang ng kanilang air defense ang mga “hostile missile at drone threats,” ngunit hindi pinangalanan kung saan nagmula ang mga ito.

Ang panibagong tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa ay lalo pang nagpapahina sa umiiral na ceasefire o tigil-putukan.

Ito na ang ikalawang pagkakataon sa loob ng tatlong araw na naglunsad ng serye ng pag-atake ang US sa mga target sa Iran, na pinaninindigan naman ng Amerika bilang isang uri ng self-defense.