-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Posible umanong may “inside job” sa warehouse pa lamang na pinagkunan ng P4.5 million na halaga ng alak, sa natuklasang “hijack me” modus ng isang trucking services.

Mula sa Sta. Rosa City sa Laguna, idi-deliver sa Bicol ang naturang mga alak subalit nagsumbong umano ang mismong may-ari ng trucking services at subcontractor sa pulisya na na-hijack ang tatlong trucks.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCpl. Rafael Quintano ng Lopez PNP sa Quezon, kinumpirma nitong itinuturing na pangunahing suspek sa insidente sina Robert Chu, at Jon-Jon Dela Torre na pawang empleyado ng AS Bolivar Trucking na kinontratang magdeliver ng mga alak.

Ayon kay Quintano, nalulugi na umano ang negosyo ng mga ito na tinitingnang isa sa mga salik sa paggawa ng krimen.

Hindi pa naman aniya tapos ang pagsisiyasat habang tiniyak ang pagsasampa ng kaso sa mga mapapatunayang responsable.

Matatandaang isa sa mga truck ang na-recover sa Bacacay Pier Site sa Albay, isa sa pier site ng Pioduran at nasa Brgy. Cuyaoyao naman ang isa pa.