-- Advertisements --

Limang barko ng Chinese Coast Guard ang namonitor ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa territoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa isang statement, sinabi ni NTF-WPS Spokesperson Assistant Secretary Omar Romero na 3 sa mga ito ay nasa Bajo de Masinloc, isa sa munisipyo ng Kalayaan, at isa sa Ayungin Shoal.

Pero wala naman aniyang naiulat na insidente sa pagitan ng mga lokal na mangingisda at Chinese Coast Guard sa Kalayaan at Bajo de Masinloc sa loob ng tatlong linggo hanggang Abril 22.

Bilang tugon sa patuloy na ilegal na presensya ng mga barko ng China sa Exclusive economic zone ng bansa, pinalakas ng NTF-WPS ang pagpapatrolya sa WPS.

Bukod aniya sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), idedeploy narin ng PNP Maritime Group ang kanilang mga High-Speed Tactical Watercraft, Police Gun Boats, at Police Fast Boats para sa law enforcement patrols sa Kalayaan Group of Islands.

Maliban dito, nagdeploy narin ng mga Area Task Force ang mga barko at eroplano ng militar para magsagawa ng regular ma sovereignty patrols sa Munisipyo ng Kalayaan, Bajo de Masinloc at buong western seaboard ng bansa.

Tiniyak ng task force na hindi matitinag ang Pilipinas sa pagsasagwa ng sovereignty patrol sa mga teritoryo nito sa West Philippine Sea.

Mananatili ang mga barko ng Philippine Coastguard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at PNP Maritime Group sa West Philippine Sea.

Ang BFAR nag deploy na ng Monitoring, Control at Surveillance vessels at Multi Mission Offshore vessels sa munisipalidad ng Kalayaan.