Hindi pa rin magbubukas para sa mga gustong bumisita ang Taj Mahal, isa sa mga tanyag na tourist spots sa India, dahil sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Ito’y sa kabila nang balik-operasyon ng ilan pa sa mga kilalang puntahan sa bansa ngunit magpapatupad pa rin ang mga ito ng sanitation, social distancing at health protocols, ayon sa Ministry of Tourism.
Batay kasi sa district magistrate order, mananatiling sarado ang Taj Mahal dahil ang lokasyon nito ang malapit sa tinatawag na “buffer zone.” Ibig sabihin ay malapit lamang ito sa pagitan ng dalawang containment zones.
Maging ang Agra Fort at Fatehpur Sikri ay hindi rin muna tatanggap ng bisita.
Simula noong ika-17 ng Marso ay ipinasara ng Ministry of Culture ang nasa 3,691 centrally protected monuments sa buong bansa sanhi ng pandemic.