
Kinuwestyon ng ilang Senador ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagkumpiska ng undeclared agricultural products na umano’y dinala ng Philippine Airlines crew members habang hindi aniya naparusahan ang big-time smugglers.
Sa Senate hearing ngayong araw, sinabi ni Senator JV Ejercito Estrana ang pagtatangka ng crew ng PAL na nag-uwi ng sibuyas at iba pang prutas bilang pasalubong sa kanilang pamilya ay isang cause of alert at eye-opener.
Inihayag din ng Senador na nakakalungkot aniya na pinuntirya ang mga crew ng PAL na tig-isa o dalawang kilo lamang ang nakumpiska habang nakakalusot ang mga containers na naglalaman ng smuggled na kontrabando.
Nakisimpatiya naman si Senator Grace Poe sa crew ng PAL kung saan humantong na aniya ang mga ito na mag-uwi ng sibuyas mula sa ibang bans a dahil mas mataas pa ang presyo ng nasabing produkto kumpara sa minimum wage sa bansa.
Nakiisa din ang mambabatas sa panawagan ng iba pang Senador para sa pagtatalaga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ng full fledged Agriculture Secretary para matugunan ang problema sa sektor.
Iminungkahi naman ni Senator Robin Padilla na mag-siyu ng subpoena sa umano’y mga smugglers na pinangalanan sa isang artikulo na binanggit ni Senator Cynthia Villar sa pagdinig.
Ayon naman kay Senator Villar, kaniyang pag-aaralan ang nasabing rekomendasyon dahil ang mga nabanggit na smugglers ay inimbestigahan na rin ng nakalipas na Kongreso.










