-- Advertisements --

Nagkakaisa ang ilang mga senador sa pagpalag kaugnay sa plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na deferment o pagpapaliban sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga empleyado sa gitna ng coronavirus pandemic.

Tulad na lamang ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na sinabing hindi dapat masakripisyo ang pangangailangan ng mga manggagawa na sila umanong mas naghihirap kompara sa mga “capital providing employers.”

“Hence, the employees’ interests and needs must NOT be sacrificed at all or in any way. Ibang sector ang mag-sacrifice (Another sector should sacrifice),” ani Pimentel.

Sa panig ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na dating naging kalihim ng DOLE, ang pagpapairal sa batas na Presidential Decree No. 851 para sa paglabas ng 13th month pay ay hindi pinapayagan na magkaroon ng exemption.

Hindi rin aniya valid ang paglilinaw ng DOLE na maaaring magkasundo sa pamamagitan ng dialogue ang employers at kanilang mga empleyado.

Una na ring nanawagan si Senator Joel Villanueva na dapat kumonsulta ang DOLE sa mga stakeholder upang makapagbigay ng “win-win” solution sa gitna ng pandemya.

“We understand the positions of our employers, especially (Micro, Small and Medium Enterprises), who are trying to keep their operations going, and of our workers who are in dire need of assistance,” ani Villanueva na siyang pinuno ng Senate labor committee.