Magkaroon ngayon ng pagbabago sa parameters para sa classification ng quarantine status sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa ilalim ng ipinalabas na Resolution No. 48 ng Inter-Agency Task Force (IATF) at alinsunod sa bagong recalibration, wala nang “new normal.”
Ayon kay Sec. Roque, ibig sabihin, lahat na ng parte ng bansa ay nasa ilalim pa rin ng quarantine status, magkakaiba lamang ng antas depende sa data ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Sa ginawang recalibration ng IATF, ang mga lugar na may high risk classification ay mapasasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) habang ang mga lugar naman na may moderate risk classification ay mapapabilang sa general community quarantine (GCQ) at modiefied general community quarantine (MGCQ) at ang mga lugar na may low risk classification ay mananatili sa MGCQ.
Binigyang-diin naman Sec. Roque na pareho pa rin ang basehan ng pagtukoy kung anong klaseng quarantine status ang ibibigay sa mga lugar o ang case doubling time at ang critical care capacity nito.
















