-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na namatay sa Saudi Arabia matapos nilang madiskubre na wala ng mga laman loob ang kanilang kaanak nang iuwi ang katawan nito sa Pilipinas.

Ang biktima ay si Alma Graganta, may asawa, residente ng San Francisco, Alicia, Isabela at nagtrabaho bilang Domestic Helper sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elyver Graganta, asawa ng biktima, nagdududa sila dahil ayon sa autopsy na ipinadala ng ospital sa kanila sa Saudi Arabia ay cardiac arrest ang ikinamatay ng kanyang misis subalit wala naman siyang sakit sa puso maliban sa high blood pressure.

Nakakapagtaka rin dahil puno ng tahi ang katawan nito maging sa ulo at balakang.

Wala na rin umano ang mga mata at dila ng kanyang asawa.

Noong kamamatay lang ng kanyang asawa ay tumatawag pa ang amo nito at humihingi ng permiso upang i-donate ang organ ng kanyang asawa ngunit hindi siya pumayag.

Kahina-hinala rin ang sinabi ng agency ng kanyang misis na May 28, 2022 namatay ang kanyang asawa habang June 4, 2022 naman ang sinabi ng ospital.

Naiuwi ang bangkay ng kanyang asawa noong July 9 at nagulat sila nang wala na ang ibang bahagi ng katawan nito.

Nakatakda nilang ipa-autopsy ang bangkay ng kanyang asawa at hinihintay lamang ang mga kasapi ng SOCO na magsasagawa nito.

Plano ni Ginoong Gragata na sampahan ng kaso ang agency ng kanyang misis.

Samantala, nagbigay na rin ng tulong ang DSWD Alicia sa pamilya ng nasawing OFW.

May naulilang dalawang anak ang biktima at ang kanyang labi ay nakaburol sa kanilang bahay sa San Francisco, Alicia, Isabela.