Nakauwi na sa bansa ang huling batch ng mga Pilipinong tripulante ng MT Aqua 1 matapos ang insidenteng missile attack malapit sa Ras Laffan Industrial Hub noong Abril 1.
Sinalubong ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration ang mga seafarer sa Ninoy Aquino International Airport pagdating nila noong Abril 29. Nauna nang nakauwi ang dalawang batch ng kanilang mga kasamahan noong Abril 15 at Abril 22.
Sa kabuuan, 21 Pilipino ang sakay ng tanker nang tamaan ito ng missile, ngunit wala sa kanila ang nasaktan sa insidente.
Samantala, kinumpirma rin ng DMW na may apat pang barko na may sakay na 93 Filipino crew ang ligtas na nakadaan sa Strait of Hormuz, na nananatiling kritikal at tensyonado dahil sa patuloy na sigalot sa rehiyon.
Patuloy naman ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga shipping company at pamilya ng mga tripulante upang matiyak ang kanilang kaligtasan, habang pinaplano ng Estados Unidos ang pagbuo ng international coalition para sa ligtas na paglalayag sa nasabing ruta. (report by Bombo Jai)















