-- Advertisements --
image 312

Inihayag ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar na mayroon ng inisyal na listahan ang ahensiya sa posibleng nakatiwangwang na lupa para pagtayuan ng public housing projects.

Ito ay isang araw matapos ilabas ang order mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagmamandato para ilabas ito sa publiko.

Nagsagawa na rin ng inisyal na imbentaryo ang naturang tanggapan ng nasabing mga lupain.

Bagamat hindi pa aniya mailalabas sa ngayon ang listahan dahil kailangan pang isapinal ang listahan.

Sinabi din ni Sec. Acuzar na binabalangkas pa ang implementing rules and regulations sa direktiba ni Pangulong Marcos na nagdedeklara sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino ($PH) initiative bilang flagship program ng kaniyang administrasyon.

Posible aniya na sa mga susunod na linggo ay magiging plantsado na ito.

Sa pagsasapinal ng imbentaryo, kabilang dito ang pakikipagugnayan sa mga land agency para sa pagkuha ng mga nakatiwangwang na mga lupain para sa public housing.

Sa ilalim ng 4PH program, layunin ng housing department na makapagtayo ng 1 million housing units kada taon sa ilalim ng Marcos admin. hanggang sa matapos ang termino nito sa 2028 sa layong matugunan ang housing backlogs sa Pilipinas.