-- Advertisements --

Posibleng magdaos ng regular press briefing ang House prosecution panel kapag gumulong na ang impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Ayon kay panel spokesperson Zia Alonto Adiong, inaaral na ng mga prosecutor ang pagsasagawa nito, bilang bahagi ng information campaign para malinawan ang publiko ukol sa mga nangyayari sa paglilitis.

Layunin din ng panel na maiwasan ang anumang kalituhan sa mga legal na usapin na bumabalot sa buong proseso.

Inaasahan kasi ng panel na magiging mahaba ang mga serye ng pagdinig at tiyak na tututukan ng publiko ang kabuuan ng trial.

Maliban sa media, nais ng panel na direkta ring makausap ang publiko at masagot ang kanilang katanungan.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa ng panel ang eksaktong format ng mga isasagawang briefing kung saan nais ng mga prosecutor na makapagbigay ng regular updates, paglilinaw sa mga proseso, projection at itinatakbo ng kaso, at iba pa.

Batid aniya ng mga prosecutor ang lawak ng interest ng publiko at nais ng mga ito na mapanatili ang naturang interest sa tulong ng regular na information dissemination.