-- Advertisements --

Mahigit 7,000 foreign travelers na ang dumating sa Pilipinas magula nang buksan ang borders para sa international tourism, ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Maging si Puyat ay nagulat din sa dami ng mga foreigners na pumasok sa Pilipinas mula noong Pebrero 10, nang pinayagan ng pamahalaan ang pagpasok ng mga fully vaccinated nang mga turista mula sa 157 bansa na mayroong visa-free arrangements sa Pilipinas.

Sa kabuuang 7,051 tourist arrivals mula Huwebes hanggang Linggo, sinabi ni Puyat na 45 percent dito ay pawang mga balikbayan pero maging ang mga ito ay kinukonsidera rin aniya bilang mga turista dahil foreign passports din naman ang gamit ng mga ito.

Karamihan aniya sa mga turistang pumasok sa Pilipinas sa mga nakalipas na araw ay mga Americans, Canadians, Australians at British nationals.

Mayroon din aniyang mangilan-ngilan na Japanese at Korean nationals na dumating sa Pilipinas.

Ilan sa mga nakikitang dahilan nina Puyat kung bakit pumunta ng Pilipinas ang mga foreign guests na ito ay dahil maaring may asawa silang Pilipina na nasa bansa sa ngayon, at mayroon ding nagnanais na makatulong sa mga nabiktima ng Bagyong Odette.