-- Advertisements --
CRUISE SHIP JOY

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na naiproseso at na-clear na nila ang mahigit 16,000 Filipino at foreign seafarers na mula sa mga cruise ship na dumaong sa Manila Bay mula nang pumutok ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa report daw kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI Seaport Operations Chief Alnazib Decampong, nasa 16,287 seafarers ang cleared na ng BI boarding inspectors. 

Sa naturang bilang, 11,189 dito ay mga Pinoy, 5,098 naman ang mga banyaga.

Dagdag ni Decampong, ang mga seafarers ay lulan ng mga dumaong na 42 vessels mula noong Abril 16 hanggang Hunyo 15 matapos silang ma-quarantine at sumalang sa COVID-19 test sa mga cruise ships.

Ang 2,300 seafarers ay naghihintay pa rin na ma-repatriate at nananatili sa kanilang mga vessel.

Sinabi naman ni BI Boarding Supervisor Abinal Usman, ang mga repatriated Pinoy seafarers ay agad ibinibiyahe sa kanilang mga probinsiya pagbaba ng cruise ship sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).