-- Advertisements --

Matagumpay na nadakip ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 172 indibidwal na nahaharap sa mga kaso ng panggagahasa at pang-aabusong sekswal sa ikinasang malawakang crackdown sa buong bansa kasabay ng paggunita ng National Women’s Month nitong Marso.

Batay sa datos na inilabas ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga naaresto sa Luzon na umabot sa 75, sinundan ng Mindanao na may 71, habang 26 naman ang nadakip sa Visayas.

Nahaharap ang mga suspek sa mabibigat na kaso kabilang ang rape, statutory rape, acts of lasciviousness, at qualified rape sa mga menor de edad sa pamamagitan ng sexual assault.

Binigyang-diin ng awtoridad na karamihan sa mga nadakip ay mga high-profile na pugante.

Mula sa kabuuang bilang, 53 ang nakalista bilang Regional Most Wanted Persons na nagtatago sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang National Capital Region (NCR), habang 68 naman ang kinikilalang Provincial Most Wanted Persons.

Bukod pa rito, kinumpirma ng pulisya na 72 sa mga naarestong suspek ang walang inirekomendang piyansa o no bail.

Ayon sa pamunuan ng CIDG, ang naturang operasyon ay naglalayong tuluyang maalis sa mga lansangan ang mga tinaguriang predators upang hindi na makapangbiktima pa, at upang tulungan ang 172 na biktima at kanilang mga pamilya na makamit ang hustisya.

Ang mga naarestong suspek ay sinampahan ng patung-patong na paglabag sa batas. Kabilang na rito ang Republic Act No. 7610 (Anti-Child Abuse Act) at RA No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act).

May mga naitala ring paglabag sa RA No. 11313 o ang Safe Spaces Act, at RA No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act.

Pinuri naman ng CIDG ang mga operating units nito sa buong bansa para sa mabilis na pagtugis sa mga pugante at pagbibigay-proteksyon sa mga itinuturing na vulnerable groups.