-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagkaloob na ng tulong tulad ng pagkain ang pamahalaang lokal ng Roxas, Isabela, sa mahigit 100 indibidwal na inilikas sa Roxas Astrodome at sa evacuation center sa San Antonio, Roxas, Isabela.

Ito’y matapos binaha ang apat na barangay dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog at sapa bunga ng patuloy na pagbuhos ng ulan dulot ng Bagyong Sarah.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Charlene Madla, aid responder ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Roxas, Isabela, hanggang tuhod aniya ang baha sa Nuesa na malapit sa Baramban Creek.

Dagdag nito na nag-ikot ang kanilang mga rescue team para ilikas sa Roxas Astrodome ang mga binahang pamilya sa mga bahagi ng barangay ng Nuesa, San Antonio, San Jose at Rizal.

Samantala, dahil sa pagtaas ng water level ng Cagayan River ay hindi na madaanan ang limang tulay sa Isabela.

Kabilang dito ang Cansan Overflow Bridge na nag-uugnay sa Cabagan at Sto. Tomas, Isabela; ang Casibarag Overflow Bridge sa Sta. Maria, Isabela; Baculod Overflow Bridge sa Lunsod ng Ilagan, ang Alicaocao Overflow Bridge sa Cauayan City at ang Siffu bridge sa Roxas, Isabela na pansamantalang isinara sa mga motorsita dahil sa malakas na agos ng tubig sa Magat River at ang mga naaanod na debris mula sa Kalinga.