-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Filipino rapper na si Hev Abi ang alegasyong nagmamay-ari siya ng baril at ilegal na droga kasunod ng kanyang pagkakaaresto kamakailan.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng kanyang record label na Urban Department na walang katotohanan ang mga paratang laban sa rapper, na ang tunay na pangalan ay Gabriel Abilla.

“On behalf of Hev Abi, we categorically deny any and all allegations pertaining to this misunderstanding that led to his situation last April 14,” ayon sa label, na tumutukoy sa petsa ng kanyang pagkakaaresto.

Dagdag pa nito, kasalukuyang nakikipagtulungan ang kanilang legal counsel sa mga awtoridad upang maresolba ang isyu.

Maalalang naaresto si Hev Abi kasama ang anim pang indibidwal sa Barangay Laging Handa sa Quezon City bilang bahagi ng operasyon ng pulisya laban sa loose firearms.

Sa isinagawang operasyon, nakarekober ng mga awtoridad ang mga baril, apat na sealed plastic bags na naglalaman umano ng cocaine, at 11 cartridges na pinaghihinalaang may liquid marijuana.

Bagama’t hindi tinukoy sa pahayag ang eksaktong mga kasong kinakaharap, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.

Si Hev Abi ay kilala sa mga kantang tulad ng “WELCOME2DTQ,” “Alam Mo Ba Girl,” at “Para Sa Streets,” at may milyon-milyong tagapakinig sa mga streaming platform.