Usap-usapan pa rin kung gaano kalaking hirap ang dinanas ni Jimmy Butler upang bitbitin ang Miami Heat sa panalo laban sa Los Angeles Lakers sa Game 5.
Naging trending pa ang larawan kung saan nakasadlak sa ilalim ng goal si Butler na pagod na pagod habang nilalapitan sya ni Duncan Robinson.
Sa 48 minutes na tagal ng laro, umabot sa 47.12 minuto siyang nakababad sa court bilang kanyang season high.
Ngayong NBA (National Basketball Association) Finals, kabuuang 214 minutes na ang kanyang inilalaro mula sa 240 minutes na limang games.
Pumapangalawa sa kanya ngayong serye sa “most minutes” si LeBron James na merong 195 minutes.
Dahil sa labis na kapaguran, hangad ni Butler na makabawi sa kanyang recovery ngayong araw bago sumabak na naman sa mas mahirap at kritikal na laro bukas.
Isang panalo na lang kasi ang kailangan ng Lakers upang tapusin na ang serye.
Balak ni Butler, 31, na kausapin ang kanilang assistant athletic trainer kung paano susulitin ang kanyang rest day at maihanda muli ang kanyang katawan sa mas matinding bakbakan.