
Kinalampag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC), ang independent advisory council ng Department of Health(DOH), na maging mabilis at magpalabas ng napapanahong rekomendasyon lalo pagdating sa bakuna upang hindi na maulit ang P15.6 billion halaga o 31 milyong naaksayang Covid-19 vaccine.
Sinabi ni Garin ang mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act, ay magbigay ng abiso sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions.
Ang HTAC Core Committee ang nagbibigay ng pinal na rekomendasyon base sa naging assessment o evidence appraisal ng HTAC subcommittees, gayunpaman, nagkakaroon ng matagal na desisyon na inaabutan na ng pagka-expire ng mga bakuna.
Dagdag pa ni Garin na isang masalimuot na katotohanan sa bansa ay ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan pa sa HTAC na nag reresulta sa matagal na paglabas ng rekomendasyon.
Aminado si Garin na inasahan na nilang maraming maaksayang covid vaccine dahil habang ang ibang bansa ay nagsisimula na ng kanilang booster shot, ang HTAC ay hindi pa nagdedesisyon kung kailan ibibigay ang bakuna, dahil hinihintay pa nito ang resulta ng kanilang isinagawang trials.
Ayon sa dating health secretary nakakapanghinayang talaga ang mga nag expire na bakuna.
Sa laban sa infectious diseases, giniit ni Garin na isang vaccinologist, na ang pagbabakuna ay laging epektibo sa harap ng infection, kaya dapat kung may outbreak sa unang kaso pa lang ay samantalahin na ito.
Bukas si Garin na maghain ng panukala sa Kamara para maamyendahan ang ilang probisyon na nagbibigay ng masyadong kapangyarihan sa HTAC.
Umaasa ito na makakakuha siya ng suporta sa mga kapwa mambabatas para sa pag-amyenda sa ilang probisyon sa UHC law partikular sa sakop ng HTAC.










