-- Advertisements --
Supreme Court

Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang ibinabang hatol ng Court of Appeals (CA) laban sa isang guro na natagpuang guilty sa child abuse nang pakainin ng mga piraso ng basura ang ilan niyang estudyante.

Sa apat na pahinang Notice ng SC nitong Enero 22, tinanggihan ng korte ang petisyon ng gurong si Melany Garin at pinagtibay ang hatol ng CA na makulong siya ng mula apat na taon at siyam na buwan hanggang anim na taon at walong buwan.

Ito ay nang hatulan siya ng mababang korte na guilty sa kasong child abuse nang puwersahan niyang pakainin ang ilan niyang estudyante ng mga piraso ng basura tulad ng papel, lapis, at bala ng kendi mula sa basurahan.

Pero dinagdagan rin ng SC ang hatol nang ipag-utos ang pagmumulta pa ni Garin ng P20,000 moral damages, P20,000 exemplary damages, P20,000 temperate damages at P15,000 fine o kabuuang P75,000 damages.

Ikinatwiran ng korte na ang akto ng pagpapakain ng basura sa mga mag-aaral ay walang duda na nagtanggal sa dignidad at halaga ng mga bata.

Nabatid pa na dumanas ang isang estudyante ng lead poisoning at nag-debelop ng Post-Traumatic Stress Disorder.