BAGUIO CITY – Pormal nang tinanggap ng Philippine Military Academy (PMA) ang 350 na plebo na bubuo sa Philippine Military Academy (PMA) Class of 2024 kaninang umaga sa isinagawang tradisyonal na reception ceremony.
Ayon kay Capt. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng PMA, ligtas na nakarating sa akademya sa Fort General Gregorio H. Del Pilar sa Baguio City ang lahat ng mga nasabing kabataan na naideklarang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) free pagkatapos ng kanilang mandatory 14-day quarantine sa mga unified command headquarters ng militar sa lugar ng mga ito.
Nanumpa na rin sila bilang bagong miyembro ng Cadet Corps Armed Forces of the Philippines habang sa reception ceremony ay masusubok at masusukat ang basic physical strength ng mga bagong plebo bago magsimula ang mga pagsasanay ng mga ito.
Sa mensahe ni PMA Superintendent, Vice Admiral Allan Ferdinand Cusi, sinabi niyang ito ang simula ng regimented military life at gradual transformation ng mga plebo bilang “professional and disciplined young military leaders.”
Pinasalamatan din nito ang mga magulang ng mga bagong plebo sa ibinigay nilang suporta, paghihikayat at inspirasyon sa mga kabataan na siyang tutulong para matapos ng mga ito ang apat na taong pagsasanay sa PMA.
Una nang naiulat na pagkatapos ng reception rites ay sasailalim ang mga bagong plebo sa walong linggong mahigpit na pagsasanay at iba’t ibang eksaminasyon na tinatawag na “Beast Barracks” bago sila idedeklara naman bilang kasapi ng Cadet Corps of the Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng incorporation ceremony.