-- Advertisements --
Pumanaw na ang isang college teacher habang ginagamot sa ospital matapos umanong suntukin ng isang 19-anyos na lalaki sa Barangay Mabilo, New Washington, Aklan.
Nabatid na binawian ng buhay ang biktima nitong Martes, dalawang araw matapos ang insidente na naganap noong Hulyo 26 sa isang advance graduation celebration sa lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang guro at ang suspek sa naturang pagtitipon.
Bagama’t pauwi na ang biktima, sinundan pa rin umano siya ng suspek at doon ginawa ng lalaki ang panununtok na nagresulta sa kanyang pagkakaospital.
Inaresto ang suspek at una nang sinampahan ng kasong frustrated homicide, ngunit sinabi ng pulisya na iaakyat na ito sa mas mabigat na kaso matapos pumanaw ang biktima.










