-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga rehistradong botante laban sa vote-buying at vote-selling.

Sa isang memorandum na inilabas ni Comelec Task Force Kontra Bigay chairperson Commissioner Aimee Ferolino, muling pinaalalahanan ang publiko partikular na ang mga botante hinggil sa mga parusang kanilang kakaharapin sa oras na makagawa ang mga ito ng anumang mga paglabag sa panuntunan ng komisyon.

Dito ay binigyang-diin din na maituturing din na election offense ang pagbabayad ng mga kandidato sa permit-to-win (PTW) at permit-to-campaign.

Kaugnay niyan ay inatasan na rin ng Comelec ang mga law enforcement agency na mahigpit na ipatupad ang mga batas na nagbabawal sa pagbili at pagbebenta ng boto.

Mahaharap sa mga kaukulang kaparusahan tulad ng pagmumulta ng hindi bababa sa P10,000 at pagkakakulong ng ilang taon na nakasaad sa Omnibus Election Code ng bansa.

Samantala, bukod dito ay plano rin ng Comelec na maglunsad ng Citizen Complaint Center b(CCC) na magsisilbing communication channel ng mamamayan upang agad magreport ng mga insidente ng vote-buying at vote-selling.