-- Advertisements --

LA UNION – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa guest ng isang resort sa Barangay Ili Sur sa bayan ng San Juan, La Union.

Nakilala ang suspek na si William Tangilag Jr., 31, school driver ng Mountain Province State Polytechnic College, at residente ng Barangay Samoki, Bontoc, Mountain Province.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa San Juan Police, naalarma umano ang mga nagtratrabaho sa nasabing resort dahil sa pagbibitbit ng baril ng suspek sa kanilang bakuran.

Sa pagresponde ng mga pulis kasama ang security guard ng naturang gusali ay hinalughog nila ang kwartong inuupahan ng suspek kasunod ang pagkakadiskobre sa sinasabing baril.

Isang caliber 9mm na baril at mga bala nito ang nakompiska ng pulisya mula sa suspek.

Nanatili sa himpilan ng pulisya ang suspek habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon kung may kaukulang dokumento ito sa pag-iingat ng sandata.