Nanawagan si House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan sa publiko na manatiling mapagbantay sa harap ng nangyayaring surge sa COVID-19 cases sa iba’t ibang panig ng mundo at sa pagkakatuklas ng COVID-19 Omicron variant.
Kinalampag din niya ang Department of Health para pag-aralan ang pagkakaroon ng “tailored expansion” ng travel ban at pagpapa-igting sa quarantine measures na ipapatupad dipende sa kung saan nanggaling bansa ang isang inbound passenger.
Sa mga hindi pa nakakapagpabakuna, hinimok sila ni Tan na magpaturok na ng COVID-19 vaccines para maprotektahan hindi lamang ang sarili kundi maging ang kanilang mga pamilya.
Iginiit ngayon ni Tan ang kahalagahan nang pagpapalakas sa kakayahan ng bansa sa pag-sequence ng COVID-19 samples pati na rin ang kapasidad sa testing bilang bahagi ng komprehensibong hakban laban sa pandemya at mga variants of concern.










