-- Advertisements --

Inaresto ng pulisya si Tony Meloto sa Angat, Bulacan kaugnay ng kinahaharap nitong kasong qualified trafficking in persons.

Kinumpirma ng Police Regional Office 3 (PRO-3) na ang pag-aresto kay Meloto ay base sa inilabas na warrant of arrest para sa dalawang bilang ng qualified trafficking, na itinuturing na non-bailable offense.

Ayon kay Police Brigadier General Jess Mendez, regional director ng PRO-3, isinagawa ang pag-aresto nitong Biyernes sa Bulacan.

Matatandaang noong Setyembre ay nakakita ng probable cause ang Department of Justice upang sampahan si Meloto ng kaso kaugnay ng umano’y sexual abuse sa dalawang lalaking benepisyaryo ng Gawad Kalinga noong 2017.

Batay sa resolusyon ng DOJ, ang umano’y ginawa ni Meloto ay maituturing na sex trafficking na may kasamang abuse of authority.

Sinabi rin ng mga prosecutor na hindi umano simpleng misconduct lamang ang mga alegasyon laban kay Meloto kundi bahagi umano ng sistematikong pang-aabuso na isinagawa gamit ang impluwensya at posisyon nito sa organisasyon.

Ayon sa mga complainant, nangyari umano ang pang-aabuso habang sila ay scholars ng Gawad Kalinga sa GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan noong 2017. Isa rin umano sa mga biktima ang nakaranas ng pang-aabuso habang kasama si Meloto sa isang speaking engagement sa Lyon, France.

Umalis si Meloto sa Gawad Kalinga noong parehong taon matapos ang isinagawang internal investigation ng board ng organisasyon.