-- Advertisements --

Naka-confine ngayon sa ospital ang founder ng Gawad Kalinga na si Antonio ‘Tony’ Meloto matapos makaranas ng problema sa kalusugan habang nasa kustodiya ng pulisya.

Ayon sa pulisya, isinugod sa Dr. Yanga’s Hospital sa Bocaue, Bulacan si Meloto noong Lunes matapos magreklamo ng hirap sa paghinga.

Inirekomenda ng kanyang doktor na manatili siya sa ospital upang mabantayan ang kanyang kondisyon at maiwasan ang posibleng komplikasyon.

Mayroon ding psoriasis o sakit sa balat si Meloto.

Sinabi ni Maj. Joel Alba, hepe ng Angat Police Station, na karapatan ng isang taong nasa kustodiya ng pulisya na makatanggap ng kinakailangang medikal na atensyon.

Maaalalang naaresto si Meloto noong Mayo 29 sa Gawad Kalinga Enchanted Farm sa Barangay Encanto, Angat, Bulacan at unang dinala sa himpilan ng pulisya.

Sa kasalukuyan, may mga pulis na nakatalaga sa ospital upang bantayan siya.

Samantala, sinabi ni Jay Baybayan, direktor ng pulisya sa Bulacan, na wala pang inilalabas na commitment order ang korte na magtatakda kung saan dapat ikulong si Meloto habang dinidinig ang kanyang kaso.

Nahaharap si Meloto sa dalawang bilang ng qualified trafficking in persons matapos magsampa ng reklamo ang dalawang kabataang lalaki na umano’y nakaranas ng sekswal na pang-aabuso sa mga komunidad na may kaugnayan sa Enchanted Farm project.

Nauna nang sinabi ng kampo ni Meloto, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Yssa Obana, na hihiling sila ng hospital arrest arrangement dahil sa kanyang kalagayang pangkalusugan.