-- Advertisements --

Inaasahan na ng Kamara ang naging findings ng Philippine Statistics Authority (PSA) patungkol kay Mary Grace Piattos, kaya asahan na walang makakakuha ng P1 million reward.

Ito ang inihayag ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega.

Aminado si Ortega na hindi na sila nasurpresa sa kumpirmasyon ng PSA patungkol kay Mary Grace Piattos na isa sa mga naging recipient ng confidential funds mula sa Office of the Vice President.

Inihayag ni Ortega na dahil sa findings ng PSA walang makakakuha sa reward na ibinigay ng Kamara.

Isa kasi sa mga isinumiteng acknowledgement receipts ng OVP sa Commission on Audit (COA) ay pangalan ni Mary Grace Piattos.

Ginamit ng OVP ang mga resibo para i-liquidate ang nasa P500 million confidential funds na ginastos.

Dagdag pa ni Ortega, sa ngayon ang House Committee on Good Government and Public Accountability ay naghihintay pa ng verification ang pangalan ni Kokoy Villamin.

Nagbabala naman si Ortega sa paggamit ng mga pekeng identity sa official records na magdudulot ng systematic fraud at maisa-alang alang ang kredibilidad ang Office of the Vice President.