-- Advertisements --
bsp

Naniniwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas governor na kailangan pa ring i-review ang pinal na version ng Maharlika Wealth Fund kahit natugunan at nasagot na ang ilang concern kaugnay ng naturang panukalang batas.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, ito ay para masiguro raw na maipatutupad ang mga inilagay na mga safeguards.

Una rito, nagkaroon din ng ilang concern si Medalla sa binabalangkas na panukalang batas kaugnay ng governance at independence.

Pero dahil sa ilang pagbabago sa panukalang batas ay suportado na niya ito.

Aniya, ang kakayahan daw ng BSP na mapanatili ang price stability ay hindi makakaapekto sa kasalukuyang version ng panukalang batas.

Magandang tugon din umano ang pagtanggal sa pension funds na pagkukuhanan ng pondo.

Sa ilalim ng panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na tinatawag ding Maharlika Wealth Fund, magmumula ang pondo na P50 billion sa LandBank habang ang Development Bank of the Philippines (DBP) ay kailangang mag-ambag ng P25 billion at ang dividends at ang kita ng BSP.

Sa naunang panukala ay nais ng mga mambabatas na magkaroon ng capital na P275 billion at ang P175 billion ang manggagaling sana sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS).

Pero agad naman itong tinanggal ng mga mambabatas matapos umani ng kaliwa’t kanang mga batikos.

Ang panukalang batas ay suportado rin ng economic cluster ng pamahalan na pinangungunahan ni Finance Secretary Benjamin Diokno.

Sinabi nitong marami umanong reserves ang central bank na puwedeng gamitin dito.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay University of the Philippines (UP) Senior Economics Lecturer Enrico Patiga Villanueva, sinabi nitong puwede raw kunin ang pondo sa national government at ang buwis ng pagmimina sa bansa.

Ipinaliwanag nitong ginagamit ng mga minero ang kalikasan para sa kanilang pagnenegosyo kaya kailangang manggaling doon ang ilang bahagi ng pondo.

Naniniwala din si Go Negosyo Founder Joey Concepcion na pati ang mga magsisilbing director ng Investment Fund ay kailangang galing sa private sector habang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tatayong chairperson.

Dagdag ni Concepcion, kung naniniwala ang Pangulo sa public-private partnership, isang pagkakataon ito para maisakatuparan ang investment fund.

Pero kailangan talaga umanong mabuo dito ay ang tinatawag na level of trust.

Una rito, inalmahan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) naging rekomendasyon ng ilang labor group na bakit hindi na lamang buwisan ang mga bilyonaryo para iinvest sa Maharlika wealth fund sa halip na gamitin ang pera ng manggagawang Pilipino.

Ayon kay ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr, hindi raw ito makatarungan sa panig ng mga mayayamang negosyante.

Hinihikayat naman ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang publiko na patuloy na tutulan ang panukalang paglikha ng Maharlika Wealth Fund (MWF).