-- Advertisements --

Handang tumestigo si dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sakaling ipatawag ng Senate impeachment court.

Ayon kay Santiago, haharap siya sakaling mag-isyu ang korte ng subpoena sa gitna ng pagpapatuloy ng ikatlong araw ng paglilitis ngayong Miyerkules, Hulyo 8.

Matatandaang sa ilalim noon ng liderato ni Santiago, inirekomenda ng NBI noong Pebrero 2025 ang paghahain ng mga reklaming inciting to sedition at grave threats laban sa bise presidente.

Nag-ugat ang rekomendasyon ng NBI mula sa umano’y mga pagbabanta ng pangalawang pangulo kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kahapon, pormal nang sinimulang talakayin ang naturang usapin na nakasaad sa Article IV ng Articles of Impeachment.

Nitong Martes, nauna nang hiniling ng prosekusyon sa impeachment court na ipatawag bilang testigo sina NBI Director Melvin Matibag at Office of the Vice President chief of staff Zuleika Lopez.

Ipagpapatuloy naman ngayong Miyerkules ang cross examination ng depensa sa iniharap ng prosekusyon na unang testigo na si NBI senior agent John Mark Calilung, na nag-authenticate sa video press conference noong Nobyembre 2024, kung saan binanggit ni VP Sara na may kinausap na siya para ipatumba sina PBBM sakaling may mangyari sa kaniya.