-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nahaharap sa kasong murder si dating San Dionisio, Iloilo Mayor Peter Paul Lopez dahil sa pagpatay umano sa negosyante sa Iloilo na natagpuang naaagnas na sa loob ng kaniyang sasakyan sa Brgy. Inangayan Sta. Barbara, Iloilo.

Ang biktima ay si Claire Diergos, 36, residente ng Deca Homes Subdivision, Pavia, Iloilo.

Maliban sa dating alkalde, nahaharap rin sa parehong kaso ang kanyang misis na si San Dionisio, Iloilo Vice Mayoralty candidate Saliha Lopez at mga anak nila na sina Felix Paul at Carlos Paul.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Col. Gilbert Gorero, director ng Iloilo Police Provincial Office, sinabi nito na matagal nilang itinago sa publiko ang pangalan ng mga suspek dahil ayaw nilang maapektuhan ang preliminary investigation.

Samantala, inamin rin ni Gorero na may testigo na natakot sa matapos lumabas ang kanyang testimonya.

Sinikap naman ng Bombo Radyo na makunan ng pahayag ang kampo ng mga Lopez ngunit sinabi ng abogado nila na hihintayin pa nila ang subpoena mula sa nag-iimbestigang piskal bilang bahagi ng preliminary investigation.