-- Advertisements --

Para maibsan ang lungkot dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19), inilunsad ngayon ng Philippine General Hospital (PGH) ang sistemang “e-dalaw” o electronic dalaw sa kanilang mga pasyente para makausap ng mga ito ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sa naturang sistema na inilunsad ng doktor na si Homer Co, coordinator for health operations ng ospital, sa pamamagitan ng “e-dalaw” ay makaka-video call ng mga pasyente ang kanilang mga mahal sa buhay.

Sinabi ni Melanie de Asis, social welfare officer ng Manila-based hospital sa PGH, dahil na rin sa kalagayan ng mga nagpositibo sa virus ay hindi maiwasang malungkot.

Dahil na rin ito sa kawalan nila ng nakakausap at hindi rin puwedeng tumanggap ng mga bisita kahit pa mga kamag-anak.

Ang e-dalaw ay isa rin umanong paraan para makita ng mga pamilya ang lagay ng kanilang pasyente at mabawasan kahit papaano ang kanilang pag-aalala.

Ayon kay De Asis, malaking tulong sa mga pasyente ang suporta ng pamilya para mapangalagaan din ang kanilang mental health at mapabilis ang paggaling sa sakit.

Tinatawagan muna umano ng social welfare officers ng ospital ang mga mahal sa buhay ng mga pasyente para mag-schedule ng video call.

Aabot naman sa 40 minuto ang palugit ng mga pasyente para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay.

Kaugnay nito, binabalutan naman ng plastik ang ginagamit na laptop at dini-disinfect gamit ang alcohol pagkatapos ng video call.

Kamakailang nang itinalagang COVID-19 referral center ng Department of Health (DoH) ang PGH.

Kasama rin dito ang Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.