Hinamon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaresto o ipa-rehab ang isang presidential candidate na sinasabi nitong gumagamit umano ng cocaine.
Dapat na pakasuhan aniya ni Pangulong Duterte ang naturang presidential candidate na dapat na ring mapangalanan, at hindi lamang basta mahinto sa “political innuendo.”
Iginiit ni Zarate na mahirap din at baka makalusot at manalo pa sa halalan sa sususunod na taon at maging presidente ng bansa ang aniya’y “addict” at “weak leader” na ito.
Kasabay nito ay inihayag ng kongresista ang kanilang pagsuporta sa panawagan na sumailalim sa voluntary drug test ang mga kakandidato sa pagkapangulo at sa pagka-bise presidente, na isasagawa lamang ng isang independent na laboratoryo.
Ayon pa kay Zarate, mahalaga rin na mailabas ng mga kakandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa ang totoong halaga ng kanilang mga ari-arian sa pamamagitan ng waiver ng kanilang bank assets at paglabas ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.










