-- Advertisements --

Umaasa ang Duterte Coalition sa Kamara na susuportahan ng kanilang mga miyembro, gayundin ng iba pang Speaker aspirants, si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab sa speakership race.

Ayon kay dating Davao City 2nd District Rep. Mylene Garcia-Albano, ito ang kanilang inaasahan matapos nang pagpupulong nina Davao City 1st District Rep. Pailo Duterte, Davao City Mayor Sara Duterte at tatlong iba pang kandidato sa speakership race na sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ayon kay Garcia-Albano, ang naturang pagpupulong ay idinaos upang makapag-usap ang mga speakership candidates hinggil sa tinatawag na “speakership fight,” pero wala raw silang nabuong anumang kasunduan.

Samantala, inaanyayahan naman ng Duterte Coalition ayon kay Garcia-Albano ang iba pang mga kongresista na sumali sa kanilang grupo.

Sinusubukan daw nilang makabuo sa ngayon ng coalition dahil sa ngayon wala aniyang grupo o partido na makakapagsabi na sila ang may majority membership, o sapat na miyembro para makapaghalal ng Speaker sa 18th Congress.

Umaasa naman daw ang coalition na mareresolba nila ang issue sa speakership race sa lalong madaling panahon.