CENTRAL MINDANAO-Dead on arrival sa pagamutan ang isang drug suspect sa inilunsad na anti-drug operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Celso Tauro,32 anyos,may asawa at residente ng Barangay Marbel Matalam North Cotabato.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villa na nagsagawa ng drug buybust operation ang mga tauhan ng Matalam Municipal Police Station (MPS) sa Purok Mabuhay Brgy Marbel sa bayan ng Matalam di kalayuan sa tahanan ng suspek.
Natunugan ni Tauro na mga pulis ang kanyang ka-transaksyon kaya bigla itong bumunot ng baril.
Napilitan ang mga elemento ng Matalam PNP na paputukan ang suspek kaya nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Naisugod pa ng mga pulis si Tauro sa ospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Narekober sa suspek ang kanyang baril, shabu at mga drug paraphernalia.
Pumalag naman ang pamilya ni Tauro at sinabi na hindi baril ang dala nito kung saan sabonera lamang kanyang hawak na may laman na sabon.
Pursigido naman ang pamilya ng suspek na magsasampa ng reklamo laban sa mga tauhan ng Matalam PNP.