-- Advertisements --

Patuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at kung sino ang suspek na pumatay sa isang 22 anyos na lalaki pasado alas 9 kagabi, Agosto 18,sa Sitio Campinsa Brgy. Manipis lungsod ng Talisay.

Nakilala ang biktima na si Raymond Nadera, residente ng Brgy. Lawaan ng nasabing lungsod.

Binawian ng buhay si Nadera matapos magtamo ng tama ng baril sa dibdib, leeg at sa paa.

Inihayag ni Police Lieutenant Colonel Randy Caballes na magsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa background ng biktima kung konektado ba ito sa nangyaring pagpatay o kung may transaksyon ba ito sa lugar.

Napag-alam na base sa kanilang nakuha na impormasyon, pinick-up pa si Nadera sa bahay nito ng isang nakamotorsiklo.

Napag-alaman rin na drug surenderee ang biktima noong 2016, may kasong illegal possession of firearms taong 2017 at kaso sa iligal na droga noong 2018.

Kabilang naman sa anggulong tinitingnan ng pulisya ay ang nakaraang mga kaso nito at personal grudge.

Sa ngayon, patuloy pa sa pangangalap ng impormasyon ang mga otoridad kaugnay sa nangyaring krimen.