CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kasong rape ang drug surrenderee na gumahasa umano sa kanyang sariling dalawang menor de edad na anak sa Zone 11-B Sta. Cruz Tagoloan, Misamis Oriental.
Kinilala ang nahuling suspek na si Jeffry Panday, residente sa naturang lugar.
Ayon kay Tagoloan Municipal Police Station Commander Police Major Allan Oniana, simula nang nag-abroad ang asawa ng suspek ay ginahasa na nito ang kanyang panganay na anak na noon ay 12-anyos pa lamang at ngayon 17-anyos na.
Pinagsamantalahan din umano nito ang kanyang 14-anyos na anak kung kaya tinapangan na ng mga biktima ang pagsumbong sa mga otoridad sa kabila ng banta ng kanilang ama.
Dagdag pa ni Oniana, matapos madakip ang suspek ay kanilang nadiskobre na mayroon pala itong tatlong warrant of arrest dahil sa kasong traffic violation at paglabag sa city ordinance.