-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na muling bumalik sa negotiating table upang makuha ang kasunduan sa pautang na may kinalaman sa tatlo sanang malalaking railway projects.

Ito ay kinabibilangan ng Subic-Clark Railway Project; Philippine National Railways South Long-Haul Project, at ang Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project.

Ang nasabing mga proyekto ay una na sanang popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) ng China sa ilalim ng loan agreement nito Pilipinas.

Subalit ikinunsiderang withdrawn na ang tatlong proyekto matapos na mabigo ang Chinese government na umakto sa funding requests mula sa Duterte administration.

Ngunit, napagdesisyonan ni Pangulong Marcos base na rin kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez na magkaroon uli ng negosasyon sa gitna ng nais ng punong ehekutibo na makapagpasok sa bansa ng investments at maipursige ang rail transport projects.

Una nang nagsimula ang negosasyon sa nasabing tatlong malalaking railway projects noong 2018.