-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinangangambahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang muling pagdami pa ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na noong unang linggo ng ECQ ay mahigit 8,300 manggagawa ang naapektuhan ang trabaho sa NCR plus bubble.

OFW face mask DOLE Bello

Dahil naman sa pagpapalawig sa ECQ sa mga naturang lugar ay maaring madagdagan pa ang mga mawawawalan ng trabaho.

Aniya, imumungkahi nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na kung maari ay babaan na ang quarantine status pero kung ano ang desisyon ng pangulo ay ito pa rin ang masusunod.

Ayon sa kanya, sa mga nawalan ng trabaho ay kailangang maibigay ng kanilang employer ang kanilang separation pay gayundin ang kanilang hindi nagamit na leave credits.

Sa ngayon ay nagbibigay na ang DOLE ng P5,000 na cash assistance sa mga nawalan ng trabaho.

Samantala, umabot na sa kalahating milyon na mga OFWs ang napauwi ng ahensya sa bansa at mayroon pang 20,000 ang inaasahang uuwi.