-- Advertisements --

Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi sasapat ang kanilang P27.010 billion proposed 2021 budget para sa mga subsidiya na kanilang iginagawad sa mga manggagawang apektadong ng COVID-19 pandemic.

Ito ay kahit pa mas mataas ito ng halos P10 billion kung ikukumpara naman sa P17.423 billion na kanilang budget ngayong 2020.

Ayon sa DOLE, mas maraming unemployed na mga manggagawa sa formal at informal sector ang matutulungan sakaling madagdagan pa ang kanilang pondo para sa susunod na taon.

Nasa P76 billion ang orihinal na request ng DOLE sa Department of Budget and Management (DBM), pero tanging P27.010 billion lang ang inaprubahan nito.

Suportado ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang pagdadgdag sa pondo ng DOLE dahil ayon aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Abril ay umaabot sa 7.3 million ang unemployed, kung saan 2 million dito ang nawalan ng trabaho sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Asec. Dominique Tutay na maliit na bahagi lamang sa naturang bilang ang natulungan ng DOLE sa mga nakalipas na buwan sa pamamagitan ng ayudang ibinibigay sa ilalim ng CAMP at TUPAD programs.

Pero tinitiyak naman din nito na sa oras na gumulong na ang Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2 ay mapapahatiran ng tulong ang mga beneficiaries na hindi naayudahan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1.